Friday, April 23, 2010

JEEPNEY

Tara!Makisakay na kayosa mala-biyaheng kwento ko!
Sa tuwing sasakay ako ng jeep, ang daming pumapasok sa isipan ko. Sa tuwing may naiisip akong idea o bagay-bagay, eh inilalagay ko ito sa Cellphone ko at tsaka ko nalng ililipat sa computer pag ka uwi ko ng bahay (nag rerent lang ako wala akong pambili eh)...Jhaylia: Mama! Bayad Po!
Naranasan mo na ba minsan sa buhay mo ang araw-araw sumakay
at maupo sa loob ng jeep? Nakatingin sa kawalan na dumadaan sa iyong mga paningin. Napapatingin sa mga kasakay na hindi mo kakilala at hindi mo alam san sila patungo. Hindi mo alam ang dahilan na bakit minsan kayo’y nagkakangitian.

Madalas ganyan parati ang ginagawa ko lalo na kung may malalim akong iniisip –bunga ng puyat at antok – madalas akong sumakay ng jeep patungong trabaho at kung san man ginusto ng utak ko. Madalas pagnauupo ako sa loob ng jeep, hindi ko maiwasan ang mainip o matulala sa lalim ng iniisip lalo na kung trapik at malayo-layo pa ang aking pupuntahan.

Habang naiinip sa biyahe, tinatanaw ko ang bawat dinadaanan at minsan tinititigan ang bawat mukha ng nakakasakay. Sa araw-araw, libo-libong tao ang nakikita ko, nakakasakay.
Maraming tanong ang naglalaro sa isipan ko. Naitanong mo na rin kaya minsan sa sarili mo na;

Ako lang kaya ang tao sa mundo na nilikha ng Diyos?
Tao rin kaya sila o instrumento lang ng Diyos sa buhay ko?

Ano kaya ang buhay nila nila? Ano kaya ang naiisip nila minsan? Natatanong din ba nila sa kanilang mga sarili na sila nga lang ba ang taong nilikha sa mundo?
Paano kung ako naging sila at sila naging ako?

Minsan naiisip ko sa sarili ko ang mga bagay na iyan. Totoo nga ba ang iniisip ko? Kung ako ang mawala sa mundo...katapusan na rin kaya ng mundo?

Anu kaya ang pakiramdam kung ako naging sila, at damahin ang sarili at mag-isip tulad ng iniisip ko. Maramdaman ko kaya ang ganitong pakiramdam sa katauhan nila?

Merong oras na kinaiinisan ko ang buhay ko. Bakit ganito ang ibinigay Niya sa akin. Anu ba ang magiging kapalaran ko? Habambuhay ba ko’ng ganito? Hindi ko naman sinisisisi ang Diyos pero minsan talaga merong pagkakataon na puro kamalasan ang dumadating sa buhay ko. May araw na kinatatamaran ko ng magtrabahaho o gawin ang dapat kong gawin.
Kinasasawaan ang araw-araw na gawain, mula sa paggising sa umaga para pumasok hanggang sa pagtulog. Sa araw-araw ba na ako’y nabubuhay, ganito ko lang ba ie-enjoy ang buhay ko? Yung tipong, gigising sa umaga para mag-aral o magtrabaho, at pagdating sa trabaho, magkukunyari ka na masaya ka sa buong araw at makikipagplastikan ng ngiti sa mga kasamahan. Nakakainis isipin, bakit kailangan ko tong gawin...para mabuhay? Para may makain? Para kumita? Naiisip ko minsan sa sarili ko, paano nga kung ibang tao ako ngayon? Maging masaya kaya ako? Nanaisin ko pa rin bang maging ibang tao? Ang tao ay ginawang complex na nilalang. MInsan sa sobrang komplikado ng pagiging isang tao, hindi ko na maintindihan kung anu’ng gusto ko sa buhay, at kung sino o ano ba gusto ko’ng maging.
Isa ako sa libu-libong tao na nakakasakay ninyo sa pag-upo sa jeep. Ang bawat isa sa inyo ay ako, at meron ding parte ng pagkatao ko ang makikita nyo sa ilan sa sarili nyo. Ganito man ako sa ngayon, sana naman makahanap ako, kahit isang rason lang, kung bakit pa ako nilikha sa mundong ito. Ano nga ba ang purpose natin sa buhay?

Iba-iba ang uri ng taong nakakasakay natin sa jeep. Mga estranghero na minsa’y nabibigyan natin ng kongting pagbati o ngiti. Minsa’y nakakakwentuhan sa tuwing may trapik. Yung iba nagiging kaibigan.

Sa bawat mukhang nakikita ko:
mga taong masama ang gising, mga puyat, lasing, nasa mood, magkakabarkadang maiingay na nagkukwentuhan at tawanan, mga nanay na nagpapasuso ng anak nilang sanggol, sa mga nakasabit lang, batang kandung-kandong para makatipid sa pamasahe, mga mahilig mag-1-2-3, senior citizens, isang buong pamilyang papuntang mall upang magbonding, magsyotang walang ginawa kundi PDA, inaalimpungatan sa antok, isnabero sa pag-abot ng pambayad, walang sawang nagti-txt, nagsusuklay, nagreretouch ng make-up, mga lalaking madalas umupo sa unahan, naligaw ng sakay, mga lumagpas ng bababaan, mga naiihi na sa gitna ng biyahe, kinakabahan at nagmamadali dahil male-late na, at kung sino-sino pa, dahil sa inyong lahat, naisip ko ang buhay ay parang isang jeep lang. May pasahero mang sasakay, bababa at tuluyan nang mawawala, meron pa ding taong sasakay, mga taong isang beses mo lang siguro makikita sa loob ng jeep. Sa dami ng tao sa Pilipinas, iba’t-ibang itsura at personalidad, hindi na natin kailangan pang kilalanin sila at makakwentuhan. At sana sa loob ng jeep na ito at habang tinatahas ng jeep na ito ang daan papunta sa patutunguhan ko, ay mahanap ko sana ang kaligayahan at sagot sa mga tanong ko.

Mama, Para na po dyan sa tabi!

No comments:

Post a Comment